Cold storage facility ng COVID-19 vaccine sa Marikina ipinasilip

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2021 07:08 PM

Nagpatayo ng "Cold Chain Management Vaccine Storage Room" ang Marikina City Health Office para sa mga paparating na COVID-19 vaccine. ABS-CBN News

MAYNILA - Inihanda na ng lungsod ng Marikina ang mga vaccine freezer na gagamitin nilang imbakan ng mga bakuna kontra coronavirus disease (COVID-19). 

Nagpatayo ng "Cold Chain Management Vaccine Storage Room" ang Marikina City Health Office. Kumpleto na ang kagamitan dito at hinihintay na lang ang mga iimbak na bakuna. 

May temperaturang 2 hanggang 8 degrees Centigrade ang cold storage facility ng lungsod. 

Kaya nitong itago ang mga bakunang in-order ng LGU para sa 120,000 indibidwal na tuturukan. May dalawa pang kinakausap na pharmaceutical companies ang lokal na pamahalaan na pawang mula Amerika at Europa. 

"Gusto ng Marikina, makakuha tayo ng iba-ibang brand para diversified ang portfolio ng vaccine natin, para marami tayong pagpipiliian. Hindi maaaring ipilit sa tao ang isang brand kung ayaw niya rito, kung wala siyang tiwala rito, sa tiwala sa safety at efficacy, mabuti 'yung may pagpipilian," ani Marikina Mayor Marcy Teodoro. 

Nabanggit ng OCTA Research Group na maituturing na "local government unit of concern" ang Marikina matapos tumaas ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19. 

Ayon sa LGU, agad naman daw na-contain ang mga ito. 

Sa ngayon, pinaplantsa pa ang tripartite agreement sa pagitan ng pharmaceutical company, local government, at national government. 

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.