20 bus na lumalabag sa distancing protocols sa EDSA tiniketan ng i-ACT

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2021 03:13 PM

Tiniketan ng I-ACT ang ilang bus sa EDSA-Santolan sa paglabag sa distancing protocols. ABS-CBN News

MAYNILA - Tiniketan ng mga kawani ng Inter Agency Council for Traffic (I-ACT) ang hindi bababa sa 20 bus na dumadadaan sa EDSA-Santolan busway sa paglabag sa distancing protocols. 

Ayon kay i-ACT Team Leader Col. Rosendo Borja, kabilang sa kanilang mga sinita ang paglabag sa "one seat apart" policy na mahalaga para sa physical distancing ng mga pasahero. 

Aniya, kahit pinayagan na ng pandemic task force ang hanggang 70 porsiyentong passenger capacity nagdesissyon ang DoTR at ang consortium ng bus operators na panatilihin muna sa 50 porsiyento o hanggang 25 hanggang 30 katao ang bilang ng mga pasaherong papayagan sa mga bus. 

Watch more in iWantTFC

Sinimulan nila ang pagtiticket noong Martes. 

"Ang kinonduct namin na operations kanina ay iimplement talaga namin iyong 7 commandments, dahil marami sa mga bus na nagbibyahe sa EDSA carousel na violators. Karamihan iyong seating capacity nila hindi nila minemaintain ang one seat apat, iyan ang mga hinuhuli namin," ani Borja. 

Hindi naman pinababa ang mga pasahero ng mga bus na lumabag bilang konsiderasyon lalo na sa panahon ng rush hour at mahabang pila ng mga pasaherong sumasakay sa mga bus. 

Itutuloy ng i-ACT ang paniniket sa mga susunod na araw hanggang sa matuto aniya ang mga bus driver at konduktor na sundin ang health protocols para sa kaligtasan ng mga pasahero. 

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.