2 lalaking wanted sa kasong murder at frustrated murder, timbog sa Sampaloc

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2021 06:03 AM

MAYNILA - Matapos ang limang taong pagtatago, hawak na ng mga pulis ang isang 50-anyos na may kasong murder.

Hinainan si Leonardo Galiendes ng warrant of arrest habang nakasakay sa pampasaherong bus sa España Boulevard, Maynila. 

Ayon kay Lt Col. Gene Licud, commander ng Sampaloc Police, 2015 nang barilin ng suspek ang kapitbahay dahil umano sa mga masasakit na salitang sinasabi tungkol sa kanya.

Nang makakuha ng impormasyon ang Sampaloc Police sa kinaroroonan ng suspek, agad na siyang pinamanmanan para maaresto.

Natunugan din nila na nasa Felina St. ang "top 4 most wanted person" ng istasyon.

Isa umano si Jay-R Saldivar sa anim na suspek sa pananaksak sa kainuman noong nakaraang taon.

Kuha pa sa CCTV ang paghabol sa kaniya ng mga pulis. 

Depensa ng suspek, nadamay lang siya sa insidente at napilitang takbuhan ang mga pulis dahil wala siyang pampiyansa.

Haharapin na niya ang kasong frustrated murder na isinampa sa kanya.

Patuloy pa rin naman pinaghahanap ang mga lima pang damay sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.