Pinatubo survivors magpapadala ng tulong sa mga apektado ng pag-alboroto ng Taal

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2020 06:11 PM

Nang mabalitaan ang pagbuga ng abo ng bulkang Taal noong hapon ng Linggo, bumalik sa alaala ng mag-asawang Henry at Nora Silvano ang pagsabog ng Mount Pinatubo noong 1991.

"Talagang parang ang Pinatubo ang nakikita ko doon sa Taal na 'yan," sabi naman ni Henry.

Ikinuwento ng mag-asawa na nasa tuktok sila ng bundok sa Sitio Pinli, Barangay Santa Juliana sa Capas, Tarlac nang mangyari ang pagsabog.

Isa ang Capas sa mga malubhang naapektuhan ng pagputok ng Pinatubo at hanggang ngayon ay makikitaan pa rin ng lahar.

"Ang hirap talaga ng nangyari noon," ani Nora.

Dahil sa pagsabog ng bulkang Taal, nakaalerto ang mga lokal na disaster risk reduction management office sa buong Central Luzon.

Hindi naman makalimutan ng mga taga-Pampanga ang ibinigay na tulong sa kanila nang maapektuhan sila ng pagputok ng Pinatubo.

Bunsod nito, napagkasunduan sa emergency meeting ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction Management Office nitong umaga ng Lunes ang pagpapadala ng volunteers para tumulong sa paglikas at mga inilikas na residente sa mga lugar malapit sa bulkang Taal.

"Remember noong tayo sa Pinatubo, 'yong mga tumulong sa atin that time. Ngayon kung sila naman ang nangangailangan, tayo naman ang tutulong," ani Pampanga Governor Dennis Pineda.

"Naintindihan natin kung gaano kahirap, that time noong tayo ang nangangailangan," dagdag niya.

Bukod sa mga pagkain, hygiene kits, tents, at mga gamit sa pagsagip, magpapadala rin ng mga social worker, medical team, at rescue team.

-- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.