Libreng hugas ng kotse, accomodation alok ng ilan sa gitna ng Taal ash fall

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2020 12:03 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Habang nagbubuga ng abo ang Bulkan Taal, abala ang mga residenteng apektado ng ash fall sa Batangas at mga karatig-lugar nito na tulungan ang isa't isa na makaiwas sa peligro at disgrasya. 

Umaga nang Linggo, Enero 12 nang magsimulang maglabas ng abo ang bulkan sa ilang parte ng Batangas. Mula Alert 2 nitong hapon ng Linggo, itinaas sa Alert Level 4 ang bulkan. 

May ilang mga residente sa bayan ng Silang, Cavite na nagsasaboy ng tubig sa windshield ng mga dumaraan na sasakyan. 

Paliwanag ng residenteng si Bong, para ito sa kaligtasan ng mga dumaraan na kotse. 

"Tulong ito para maiwasan yung aksidente sa daan," aniya. 

Nag-aabot aniya ng pera ang mga dumaraang motorista pero tumatanggi ang mga residente na kuhanin ito. 

Viral naman sa social media ang pagtulong ni Roger Villa sa mga motoristang malinisan ang kanilang mga sasakyan. 

 

Una nang nagbabala ang Department of Health (DOH) na napapadulas ng abo mula sa bulkan ang daan, dahilan para magdulot ito ng mga aksidente. 

Nag-alok naman ng libreng accomodation ang isang resort sa Indang, Cavite para sa mga nais lumikas sa gitna ng pag-alboroto ng bulkan. 

"Terre Verte is opening its doors for free to give temporary shelter to our nearby barangays and town who need evacuation," pahayag ng Terre Verte Farm Resort sa kanilang Facebook page. 

 

Una nang nag-abiso ang mga awtoridad na kung maaari ay manatili muna sa loob ng bahay ngayong nakakaranas ng ash fall sa ilang parte ng Luzon, kabilang na ang Metro Manila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.