Driver patay sa tumagilid na truck sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2020 11:33 AM

MANILA -- Patay ang isang lalaki matapos tumagilid ang minamaneho niyang truck sa Calamba, Laguna nitong madaling araw ng Lunes.

Papunta sana sa Maynila ang truck para magdala ng tiles bago tumagilid sa may pakurbadang kalsada sa Barangay Paciano Rizal, dahilan para maipit ang 4 na sakay nito.

Dead on the spot ang driver habang naligtas naman ng mga awtoridad sa pagkaipit ang 3 iba pang sakay ng truck.

Isa sa tinitingnang sanhi ng aksidente, bukod sa madulas na kalsada, ay ang zero visibility na dulot ng ashfall, ayon kay Chief Inspector Jeffrey Atienza, fire marshal sa Calamba.

"This is an accident-prone area. In addition pa nga, may nangyaring ashfall so kanina zero visibility 'tong lugar na to," ani Atienza. 

Pinayuhan ni Atienza ang mga motorista na alamin ang kalsadang dadaanan at maging maingat lalo kapag hindi maganda ang panahon.

"Sa mga driver natin, maging familiar tayo sa mga daan na dadaanan natin and maging cautious tayo," aniya.

Nagbuga ng abo noong Linggo ang bulkang Taal na bumalot sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Dahil din sa pag-alboroto ng bulkan, kinansela ang mga biyahe sa Ninoy Aquino International Airport, at kinansela ang mga klase at trabaho sa gobyerno sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.