3 national roads sa Tagaytay, Talisay sarado muna

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2020 12:10 PM | Updated as of Jan 14 2020 09:02 AM

Isinara muna sa mga motorista ngayong Lunes ang ilang bahagi ng 3 national road sa may Tagaytay City at Talisay, Batangas bunsod ng pag-aalboroto ng bulkang Taal, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa DPWH, sinara ang mga sumusunod na kalsada bunsod ng zero visibility at kapal ng putik sa kalsada:

  • Talisay-Tagaytay section ng Tanauan-Talisay-Tagaytay Road sa Talisay, Batangas
  • Tagaytay-Taal Lake Road sa Tagaytay, Cavite
  • Tagaytay-Talisay Road, Tagaytay, Cavite

Pinayuhan ng DPWH ang mga motorista na humanap muna ng ibang ruta palabas at papasok ng Tagaytay at Batangas.

Nag-deploy na rin ng mga tauhan at equipment ang DPWH para makatulong sa pagsagip at paglikas ng mga residente sa ilang bayan sa Batangas, kabilang ang Talisay, Agoncillo, Balete, Laurel, San Nicolas, at Tanauan.

Binalot ng abo ang ilang bahagi ng Calabarzon region at Metro Manila kasunod ng pag-alboroto ng bulkang Taal noong Linggo.

-- Ulat nina Jacque Manabat at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.