Pamilya timbog sa 'pagtutulak' ng droga sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2019 02:54 PM | Updated as of Jan 13 2019 06:32 PM

Inaresto ng pulisya ang isang mag-asawa at kanilang anak sa lungsod ng Bacoor, Cavite dahil sa umano ay pagtutulak ng ilegal na droga.

Nahuli sa buy-bust operation ng mga pulis noong Huwebes sa isang bahay sa Barangay Molino VII ang mag-asawang Nickelson at Jenny Gersalina at ang inampon nilang anak na si Carlos Santos.

Watch more in iWantTFC

Nakatakas naman ang kapatid ni Nickelson matapos siyang tumalon sa creek mula sa ikalawang palapag ng bahay, sabi ni Superintendent Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Aabot sa P190,000 halaga ng droga ang nakuha sa mga suspek.

Karamihan sa mga parokyano ng mga suspek ay mga dayo sa Bacoor, mga driver at estudyante, sabi ni Cabatingan.

Ipinagtanggol naman ni Nickelson ang asawa at anak, at sinabing wala raw alam ang mga ito sa kaniyang ilegal na aktibidad.

Pero ayon kay Jenny, alam daw niya ang ginagawa ng mister at sinubukan pa raw niya itong pigilan noon.

Kinasuhan ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. --Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.