Ilang tsuper ng jeep, nangangamba sa 'big-time' oil price hike sa Martes

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2019 06:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasado na ang "big-time" oil price hike na ipatutupad sa Martes, at posibleng sumabay dito ang isa pang taas-presyo dahil naman sa ikalawang bugso ng excise tax bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act. 

Isa sa mga nangangamba dito ang jeepney driver na si Buddy Golpo, na 15 taon nang namamasada. 

Kuwento niya, maraming taas-presyo na ang dinanas niya pero pinakamatindi daw ang nangyayari simula noong nakaraang taon. 

"Lahat po pagba-budget ginawa namin... kasi pag tumaas [ang presyo ng langis], lahat tumataas," ani Golpo.

Ang dating P500 na pang-araw-araw na budget ni Golpo, naging P700 na pero lahat iyon ay pambili lang ng mga pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Kaya nag-aalala siya dahil pagpatak ng Martes ay inaasahang tataas ang presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan. 

TINATAYANG DAGDAG-PRESYO SA LANGIS:

Diesel → P2.20-P2.30/litro
Gasolina → P1.40-P1.50/litro
Kerosene → P1.80-P1.90/litro

Ang bad news — magiging dagdag-pasanin pa ang ikalawang bugso ng fuel excise tax sa ilalim ng TRAIN, na posible ring ipatupad na sa Martes. 

NAKABABAHALA

Nababahala naman ang grupo ng mga manggagawa sa sunod-sunod at malakihang oil price hike. 

"Hindi namin maintindihan kung iyong gobyernong ito ay talaga bang walang pakialam o talagang walang malasakit sa aming mga manggagawa," ani Ed Cubelo, chairman ng Kilusang Mayo Uno-Metro Manila. 

Ayon naman sa grupong Bayan Muna, posibleng sumipa muli ang inflation dahil sa panibagong pagpataw ng excise tax sa presyo ng langis.

"With the implementation of the second tranche of excise tax increases because of the TRAIN law, consumers should prepare for more and higher price shocks this year," ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Giit naman ng Palasyo, kasado ano mang oras ang kanilang financial assistance sa mga mahihirap na komunidad. 

"While the oil excise tax increase is a negligible contributor to inflation, we still commit to provide financial assistance to the 50 percent poorest households," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.