Checkpoints, gun ban ipinatupad sa pagsisimula ng poll period

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2019 02:55 PM | Updated as of Jan 13 2019 07:09 PM

(UPDATED) Sinimulan na ang pagpapakalat ng mga police checkpoint sa iba-ibang panig ng bansa upang ipatupad ang gun ban ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Linggo, hudyat ng pag-arangkada ng 150 araw na election period para sa May midterm elections.

Layon ng mga checkpoint na maharang ang mga baril, pampasabog, illegal security personnel at iba pang bagay na maaaring magdulot ng karahasan kaugnay sa halalan, sabi ng Philippine National Police (PNP) sa isang pahayag noong Sabado.

Bukod sa mga baril, ipinagbabawal din ang pagdala ng mga kutsilyo at iba pang matatalim na bagay.

Ininspeksiyon nina PNP chief Director General Oscar Albayalde at Comelec Chairman Sheriff Abas ang ilang checkpoint.

PATAY, HULI AGAD

Sa mga unang oras ng Comelec checkpoint, napatay agad ang dalawang lalaki matapos umano silang manlaban sa mga pulis sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Senior Superintendent Chito Bersaluna, hepe ng Bulacan police, umiwas at tumakas ang dalawang lalaking lulan ng motorsiklo mula sa isang checkpoint.

Hinabol sila ng mga pulis hanggang sa bumaba ang dalawa sa motorsiklo at nagpaputok ng baril, dahilan para mapilitan ang mga pulis na gumanti ng putok, ani Bersaluna.

Isang lalaki naman ang natimbog sa Comelec checkpoint sa San Jose Del Monte, Bulacan matapos mahulihan ng hinihinalang marijuana, ani Bersaluna.

Hinuli rin ang isang traysikel driver sa Santa Ana, Maynila matapos siyang makuhanan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu nang hanapan ng lisensiya sa checkpoint.

Sa Bacoor, Cavite, 24 baril ang ibinigay sa pangangalaga ng PNP. 

Ang ilan dito ay may lisensiya pero walang permit sa Comelec kaya minabuti ng mga may-ari na isuko muna ang mga armas sa mga awtoridad.

PANG-AABUSO, ISUMBONG

Hinimok din ni Albayalde ang mga motorista na isumbong ang ano mang insidente ng pang-aabuso ng mga pulis sa mga checkpoint.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaalala nina Albayalde at Abas na "visual inspection" o inspeksiyon sa pamamagitan ng pagtingin lang ang maaaring gawin sa mga pribadong behikulo.

Hindi obligado ang mga pribadong motorista na buksan ang kanilang mga compartment, nauna nang sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez.

Kailangan naman ipakita ng mga motorcycle rider ang kanilang official receipt at certificate of vehicle registration.

Ipatutupad ang mga Comelec checkpoint hanggang Hunyo 12.

Watch more in iWant or TFC.tv

'HOT SPOTS'

Labingwalong lugar naman ang pinangalanan noong Disyembre ng PNP bilang election areas of grave concern.

Ayon sa PNP, ito iyong mga lugar na natukoy nila na puwedeng magkagulo, may mainit na tapatan sa mga kandidato, o nagkaroon ng insidente ng karahasan.

Subalit hindi nangangahulugang agad ilalagay ang mga naturang lugar sa Comelec control.

Pinakamaraming "election hot spots" sa Autonomous Region in Muslim Mindanao kabilang ang ilang bayan sa Basilan, Lanao Del Sur at Maguindanao.

Ayon naman sa mga datos na nakalap ng ABS-CBN Investigative and Research Group, kung babalikan ang mga nakaraang botohan, may naitalang 92 election-related incidents noong 2016 halalan, 109 kaso noong 2013 halalan, at 166 noong 2010 halalan.

Pinakamaraming naitalang gulo sa halalan sa Maguindanao at Pangasinan sa halalan noong 2010 at 2013.

UNITY WALK

Libo-libong tao naman ang nangako sa pagtataguyod ng makatarungan at mapayapang halalan sa Mayo.

Sa Quezon City, umabot sa 6,000 indibidwal ang lumahok sa unity walk, interfaith rally at peace covenant signing.

Kabilang sa mga lumahok ang mga kinatawan mula sa Comelec, PNP, government organization, advocacy at religious groups, akademya, at mga national at lokal na kandidato.

May mga idinaos ding katulad na aktibidad sa mga lungsod ng Bacolod, Butuan, Davao, Legazpi Naga at Zamboanga, at sa lalawigan ng Ilocos Norte.

--Ulat nina Lady Vicencio, Fred Cipres at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.