Bata, patay sa sunog sa Sorsogon

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2017 11:01 AM

CASTILLA, Sorsogon – Isang limang taong gulang na batang lalaki ang nasawi matapos masunog ang kanilang bahay noong Huwebes.

Hindi mapalagay ang mag-asawang Ligaya at Romulo Tiamson dahil hindi pa nila matanggap ang pagkamatay ng kanilang apo na si MC Miguel.

Ayon kay Romulo, nabigla na lang siya nang makitang nasusunog na ang kuwarto ng kanyang apo sa ikalawang palapag na gawa lang sa light materials.

Tulog daw ang kanyang apo sa nasunog na kuwarto ng mga oras na yun.

Lapnos sa paa, kamay at mukha ang tinamo ng bata na dinala pa sa ospital matapos ang halos tatlumpung minutong sunog.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa kuwarto ng bata. Posible raw na nag-overheat o kaya nag-short circuit ang electric fan sa kwarto. 

Tinatayang aabot ng mahigit P100,000 ang pinsalang dulot ng sunog.