PatrolPH

Pagbabakuna sa General Trias at Cavite City inihinto muna

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2022 12:22 PM | Updated as of Jan 12 2022 12:40 PM

CAVITE — Isinara nitong Miyerkoles ang city hall ng General Trias sa Cavite matapos magpositibo sa COVID-19 ang 105 empleyado, habang inatasan ding mag-quarantine ang higit 300 nilang close contact sa iba’t ibang tanggapan.

Sa abiso ng lokal na pamahalaan, sarado hanggang Biyernes ang city hall para matiyak ang kaligtasan ng publiko at iba pang empleyado, at mapigil ang pagkalat ng virus.

Itinigil din ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga vaccination site sa General Trias Convention and Cultural Center, Robinsons Place General Trias, at Vista Mall General Trias ngayong buong linggo dahil nagkasakit din ang maraming miyembro ng vaccination team.

Maglalabas umano ng bagong schedule ang lungsod para sa mga nakatakdang bakunahan ng ikalawang dose.

Sa Cavite City, may higit 130 kawani ng lokal na pamahalaan ang nagpositibo sa antigen test, ayon kay Cavite City ABS President Apple Paredes. Wala namang abiso sa epekto nito sa operasyon ng city hall.

Ayon kay Jeffrey Dela Rosa, pinuno ng Cavite City COVID-19 vaccine program, inihinto ang pagbabakuna sa lungsod simula noong Lunes dahil marami ding nagkasakit sa vaccination team.

Sa Bacoor City Hall, nasa 190 ang mga empleyadong nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Bacoor Mayor Lani Revilla, nagpapatuloy ang operasyon ng city hall bagama't limitado ang mga tauhan.

Ilan anya sa mga nagpositibo ay mild ang sintomas, kaya puwede pa ring magtrabaho mula sa bahay, habang ang iba ay nasa isolation facilities.

Sa Silang, kasalukuyang nagpapagaling sa COVID-19 si Mayor Corie Poblete, ganun din ang ilan pang empleyado ng munisipyo. Nananatili naman umanong bukas ang lahat ng opisina sa pamahalaang bayan.

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.