Pinag-aaralan na ng Department of Health at ng Inter-agency Task Force kung puwede ring ipatupad ang mas pinaikling isolation period para sa publiko.
Ito ay matapos payagang paigsiin ang isolation period para sa healthcare workers na asymptomatic sa COVID-19.
Paliwanag ng DOH, ito ay para iisa lang ang sinusunod na pamantayan ng isolation period pangkalahatan.
"Tayo ay gusto mag shorten base sa guidelines sa ibang bansa, maaaring i-shorten [ang] 10 araw na isolation for fully vaccinated individuals to just 7 days. Hindi pa ito final, paguusapan pa ito, kailangan pa ng approval ng ibang ahensya," ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Pero babala ni Philippine College of Physicians President Dr. Maricar Limpin na maaaring hindi maganda ang magiging epekto nito.
"Okay lang kung puro omicron lang kasi di masyado malala, pero may kasamang delta variant, and alam natin na severe ito, kung very short ang [isolation] for the general public, baka maraming madisgrasya," ani Limpin.
"For the general public, no. Kami we will oppose that we will not agree with that. Wala naman ano eh, medyo dahil siguro sa trabaho nila, pero nilalagay natin at risk ang ibang tao, so kawawa naman," dagdag nila.
Hindi pa omicron ang dominant na variant sa bansa ayon sa World Health Organization, pero sabi nilang maaari nitong lagpasan ang delta variant sa hinaharap.
"To say that it is the dominant variant in the country, it wil soon be so, but because we have very few sequencing results, and we believe that in the near future, omicron will displace delta as the dominant variant as it has in several other countries," ani WHO Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe.
Muling nagpaalala rin ang mga eksperto na kahit na itinuturing na "less severe" ang omicron ay kailangan pa ring mag-ingat. Maaari ring may pang-matagalang epekto kung magkakaroon nito.
"Merong isang aspect na we have not put into equation, ito yung possibility of long COVID, very important, as much as possible na hindi tayo ma-infect. Hindi natin talaga maintindihan pa kung sino sa mga nagpositive yung nagdedevelop ng long COVID, because that is also a possibility," ani Dr. Cynthia Saloma ng Philippine Genome Center.
Higit 32,000 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Miyerkoles. Pero sabi ni DOH chief Francisco Duque III na maaaring hindi pa naaabot ng bansa ang peak o pinakamataas na bilang ng mga maitatalang COVID-19 cases.
"This is not an indication that the peak is over we might still be in the acceleration phase of our increase. I cannot say for now if it is the beginning of a downtrend," ani Duque.
-- Ulat ni Wena Cos, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.