PatrolPH

Suspek tiklo sa 'sangla-apartment' scam na nakapambiktima ng 75 tao

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2022 02:19 PM | Updated as of Jan 16 2022 06:57 PM

Watch more on iWantTFC

Naaresto ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek ng "sangla-apartment" scam na nakapambiktima ng hindi bababa sa 75 tao sa Cavite, sabi nitong Martes ng pulisya.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group-Cavite (CIDG), nahuli nila ang suspek na si Anggie Manducdoc, 31, sa isang entrapment operation noong Enero 5.

Ikinasa ang operasyon matapos magsumbong ang mga biktima, karamiha'y taga-Silang at General Mariano Alvarez, sa pulisya. Aabot na sa 75 biktima ang nagtungo sa tanggapan ng CIDG-Cavite para magsampa ng kaso.

Isa sa mga biktima si Victoria Pena, na natangayan ng P650,000.

Isinangla umano sa kaniya ang 13-door apartment sa halagang P50,000 kada isa. At ang buwanang upa ng nakatira ay sa kaniya dapat mapupunta, pero hindi ito nangyari.

"Ibalik nila 'yong pera namin lahat kasi pinaghirapan namin 'yon," ani Pena.

Naglaho naman ang P500,000 mula sa retirement benefits ng ama ni Lady Lyn Ferre matapos isangla sa kaniya ang 6-door apartment.

"Pampagamot sana niya (ama) sa kidney stones niya. Hindi na siya nakakapagpagamot ngayon dahil diyan sa page-estafa nila," ani Ferre.

Ayon sa imbestigasyon, hindi lang ang naarestong suspek ang nasa likod ng "sangla-apartment" scam.

Sangkot din umano rito ang kaniyang ina, dalawang kapatid at hipag.

Paulit-ulit umanong isinasangla ang 18-door apartment sa iba't ibang tao gamit ang mga pekeng dokumento.

Wala rin umanong kaalam-alam ang totoong may-ari ng apartment na isinasangla ito dahil nasa Amerika ang mga ito.

Nangangako umano ang mga suspek na ang buwanang renta ng apartment ay mapupunta sa pinagsasanglaang biktima, kaya marami ang kumakagat.

Tumangging magbigay ng pahayag si Manducdoc, na kinasuhan ng estafa.

Kakasuhan din ng syndicated estafa si Manducdoc maging ang iba pa niyang kasabwat.

Tinatayang nasa P20 milyon ang nakulimbat ng mga suspek sa scam.

Nanawagan ang CIDG-Cavite sa iba pang naging biktima na lumantad para mapalakas pa ang kaso sa mga suspek.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.