Snatcher sugatan matapos banggain ng taxi driver na ninakawan niya

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2021 05:35 AM | Updated as of Jan 12 2021 10:16 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sugatan ang isang umano’y snatcher matapos siyang banggain ng ninakawan niyang taxi driver sa Commonwealth Ave. sa Quezon City nitong Lunes.

Depensa ng taxi driver na si Uldarico Obin, nakatambay siya sa labas ng kaniyang taxi at abala sa pakikipagchat sa cellphone nang bilang hinablot ng suspek ang kanyang cellphone.

Agad tumakas ang suspek at kaniyang kasamahan sakay ng isang motorsiklo.

Hinabol ng taxi driver ang mga suspek hanggang sa tinapon ang ninakaw na cellphone sa may windshield ng taxi. 

Sa inis ay dun na umano binangga ni Obin ang motorsiklo ng mga suspek.

Nakatakas ang isa habang nagtamo ng mga sugat sa kamay at binti ang nabanggang snatcher. Wasak naman ang bumper ng taxi ni Obin.

Damay rin sa habulan ng dalawa ang isa pang motorsiklo na minamaneho naman ng isang Michael Bergante. Nagtamo ng minor injuries si Bergante at kaniyang kasamahang babae. 

Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen.

Agad dinala sa ospital ang mga nasugatan habang posibleng maharap sa kasong theft ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.