Lalaki, nakaligtas matapos matabunan ng lupa sa Borongan City

Ranulfo Docdocon, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2021 04:25 PM

Lalaki, nakaligtas matapos matabunan ng lupa sa Borongan City 1
Natabunan ang kalahating katawan ng 70-anyos na lalaki sa pagguho ng lupa sa Barangay Hindang sa Borongan City. Larawan mula kay Rojim Dilao

Natabunan ng lupa ang isang matandang lalaki sa Barangay Hindang, Borongan City, Eastern Samar Lunes ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, nagkalkal ng kanal si Remigeo Alea, 70-anyos, sa likod ng kanilang bahay nang bigla na lang gumuho ang lupa sa gilid ng bundok.

Mabuti na lang na kalahati lamang ng kaniyang katawan ang natabunan ng lupa. Agad siyang natulungan ng mga kapitbahay at nadala sa ospital.

Sa ngayon, nakauwi na sa kanilang bahay at nagpapahinga si Alea.

Napag-alaman pa na ang pagguho ng lupa ay epekto pa rin ng walang tigil na pag-ulan.

Pinayuhan na ng awtoridad ang pamilya ni Alea na lumikas para na rin sa kanilang kaligtasan.

Related Video

Watch more on iWantTFC