Improvised zipline ginawa ng mga residente para makatawid sa baha

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2021 06:31 PM

Kailangan nilang sumakay sa improvised zipline para makatawid ng ilog at makalabas sa kanilang barangay. Screengrab, ABS-CBN News footage

SILAY CITY – Araw-araw ay kailangan ni Herminia Amador lumabas para mamili ng mga kailanganin sa loob ng bahay. 

Pero hindi pangkaraniwan ang dinadanas nilang mga residente ng Barangay Hawaiian dito sa Silay City.

Kailangan kasi niyang sumakay sa improvised zipline para makatawid ng ilog at makalabas sa kanilang barangay.

Aniya, kahit 65 anyos na siya ay kakayanin niyang mag-zipline dahil wala siyang ibang madadaanan.

Si Anita Claridad, sanay na sa pagtawid at pagsakay sa zipline. Dinadalhan kasi niya ng makakain ang kanyang mga kapatid sa kabilang bahagi ng ilog.

Kuwento niya, di na siya kabado dahil nasanay na rin.

Ayon sa punong barangay na si Henry Belleza, nasira ang hanging bridge sa kasagsagan ng baha noong Biyernes.

Nakahanap na lang ng paraang ang mga residente para gumawa ng zipline para makatawid.

Gumagawa na raw ng plano ang City Engineers' Office para mapalitan ang nasirang tulay.

–Mula sa ulat ni Romeo Subaldo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.