PatrolPH

Ilang pamilyang apektado ng pagputok ng Bulkang Taal, sa tent pa rin nakatira

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2021 05:35 PM | Updated as of Jan 12 2021 07:51 PM

Ilang pamilyang apektado ng pagputok ng Bulkang Taal, sa tent pa rin nakatira 1
Nasa 100 pamilyang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal noong nakaraang taon ang nananatili pa rin hanggang ngayon sa mga tent. Dennis Datu, ABS-CBN News

Isang taon mula nang pumutok ang Bulkang Taal, may nasa 100 pamilya pa ring nawalan ng kabuhayan at tirahan sa Volcano Island ang nagtitiis na manirahan sa mga tent ng Department of Social Welfare and Development sa bayan ng Balete, Batangas.

Isa rito ang pamilya ni Jemma Morta, na kasama ang kaniyang 5 anak sa isang tent.

Naiiyak na lamang umano si Morta tuwing naaalala ang dati nilang masaganang buhay sa Volcano Island, o ang tinatawag nilang "Pulo."

Nais umano ni Morta at ng mga kagaya niyang nahihirapan nang manirahan sa tent na sana'y matupad na ang pangakong pabahay sa kanila.

"Naawa din lang po ako sa aming sarili," ani Morta.

"Kahirap naman ng nakatira kami sa ganito, lalong-lalo na may bata kami na maliliit," sabi naman ni Emmilia Magpantay, na nakatira rin sa tent.

"Ang mahirap lang kapag ang mga bata nagsi-CR, nakiki-CR kami... Sana mabilis ang aksiyon sa sinasabing pabahay," ani Elinda Cacao.

Watch more on iWantTFC

Ayon naman kay Balete Mayor Wilson Maralit, may paglilipatan na ang mga nakatira sa tent.

Naantala lamang daw ang proyekto dahil sa COVID-19 pandemic.

"Hindi po sila mga taga-Balete, sila po ay mga taga-Talisay at San Nicolas. Sila po ay mga ayaw nang bumalik sa kanilang bayan, mas pinili nila na tumigil sa bayan ng Balete," ani Maralit.

"Nakabili na po ako ng lupa na para po sa phase 2 ng pabahay. Ito po ay binili ng LGU (local government unit), so tayo po ay nakahingi rin sa National Housing Authority ng 386 houses, ito po ay located sa barangay ng Balete," dagdag niya.

Nasa halos 300 pamilya ang kinupkop ng Balete kasunod ng pagputok ng Taal. Nabigyan na ng pabahay ang iba.

Samantala, nagdaos din ng misa ngayong Martes sa San Nicolas, Batangas bilang paggunita sa unang anibersaryo ng pagputok ng Taal.

Pasasalamat umano ang misa na nakaligtas ang mga taga-Batangas sa kalamidad at nakabalik pa muli sa kanilang mga bayan.

Pero kahit bumabangon ang mga taga-San Nicolas, marami pa rin ang nangangamba.

"Sa ngayon ay hindi pa po totally kami nawawalan ng takot dahil nitong mga nagdaang araw nagbubuga pa rin siya ng abo," anang residente na si Josie Lopez.

Isa sa mga malaking hamon sa rehabilitasyon ng mga lugar na apektado ng Taal ang pondo, lalo't kabuntot ng pagputok ang pandemya.

"Sa tingin ko ho ay nasa 80 percent na ang normal ang pamumuhay ng mga taga-rito sa amin sa San Nicolas," ani San Nicolas Mayor Lester de Sagun.

"As far as the provincial government of Batangas is [concerned] sapat naman po ang ating resocurces, kakayahan. 'Yong ating mga priority projects ay on time sa rehabilitation," ani Batangas Vice Governor Mark Leviste.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.