Bagong MMDA chief Abalos inilatag ang kaniyang mga plano

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2021 07:34 PM | Updated as of Jan 12 2021 07:42 PM

Bagong MMDA chief Benhur Abalos. Mark Demayo, ABS-CBN News​

Nagsimula na ang termino ni bagong Metropolitan Manila Development Authority chairman at dating Mandaluyong City mayor Benhur Abalos Jr.

Si Abalos ang pumalit kay Danny Lim, na pumanaw dahil sa komplikasyong dulot ng coronavirus disease (COVID-19). Dating namunong chairman ng MMDA ang kaniyang ama na si Benhur Abalos Sr. 

Ayon kay Abalos, plano niyang ayusin ang ilang traffic scheme na ipinatupad na ngayon. 

Plano ni Abalos na magpalagay ng mga rampa sa mga EDSA busway para hindi makasagabal at maiwasan ang trapiko sa mga isinarang u-turn slot. 

Titiyakin din niya umanong gumagana ang mga elevator at escalator sa mga MRT at LRT station. 

May plano ring magpatayo si Abalos ng elevated na pedestrian lanes para protektado ang mga commuter sa ulan o kaya sa sinag ng araw. Nakalatag na aniya ito para maaprubahan ng Kongreso. 

May plano ring ilipat sa bagong dedicated lanes ang mga motorsiklo. 

Giit ni Abalos, kailangan lang gawing mas pulido ang mga traffic scheme na ipinapatupad ngayon sa EDSA. Sinagot din ng bagong MMDA chief ang mga puna tungkol sa pagiging "experimental" ng MMDA. 

"Kung hindi mo gagawing experimental, wala kang bagong development na gagawin. Dapat ganiyan para makita mo na 'yung new ideas mo nagagawa nang tama. Dapat makita ng tao kung gaano katagal ito, para saan ba ito. Para kapag hindi maganda itigil agad," ani Abalos. 

Bukod dito, tututukan din ni Abalos, na tinamaan din ng COVID-19, ang papel ng MMDA sa pagpapabakuna. 

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, naka-order na ang MMDA ng bakuna para sa mga 8,000 empleyado. 

Sa bawat isang empleyado may 1 kaanak din na mababakunahan nang libre. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.