Ambulansiya sumalpok sa dump truck sa Isabela; 5 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2021 11:08 AM

Kuha ni Denman Osalla

ISABELA - Sugatan ang 5 katao matapos sumalpok ang sinasakyan nilang ambulansiya sa dump truck sa bayan ng Ramon, Isabela Lunes ng gabi.

Ayon kay Police Capt. Abdel Aziz Maximo, hepe ng Ramon Police Station, papasok sana sa isang kanto ang dump truck nang salpukin ito sa likod ng ambulansiya sa national highway ng Barangay Raniag pasado alas-9 ng gabi.

“Parehas sila ng way no'ng dump truck, kaso nga lang nagmenor ito kasi nga kakaliwa. Hindi naman siguro napansin nitong sumusunod na ambulansiya dahil mabilis, bumangga sa likod no'ng dumptruck,” ani Maximo.

Sa lakas ng pagbangga, nayupi ang harap ng ambulansiya kung saan naipit ang drayber nito na kinilalang si Allan Bartolome, 47 anyos at residente ng Bagabag, Nueva Vizcaya.

Umabot ng isang oras bago siya nakuha ng mga rescuer at saka isinugod sa ospital.

Nagpapagaling na rin sa ospital ang 4 pa niyang kasama na nagtamo rin ng mga sugat.

Pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Quezon, Nueva Vizcaya ang naaksidenteng ambulansiya, ayon sa pulisya. - Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.