OFW na 'namatay sa gulpi' sa Kuwait minolestiya din: DOJ

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2020 06:44 PM

MAYNILA — Hindi lang simpleng panggugulpi ang sinapit ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jeanelyn Villavende sa kamay ng kaniyang amo sa Kuwait kundi pangmomolestiya din, pagbubulgar ni Justice Secretary Menardo Guevarra nitong Linggo.

Ani Guevarra, nagkaroon ng "clear indications of sexual abuse" sa katawan ni Villavende batay sa awtopsiyang ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI).

Bukod pa ito sa labis na pambubugbog na sinapit ng Pinay. 

Ilalabas ang buong resulta ng pagsusuri sa Lunes, dagdag ng kalihim.

Nauna nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na duda siya sa kredibilidad ng Kuwaiti forensic doctors na sinabing "physical injuries" lamang ang dahilan ng pagkakamatay ni Villavende.

Dahil sa resulta ng awtopsiya, nanggagalaiting sinabi ni Bello na plano niyang irekomenda ang total deployment ban ng household service workers pa-Kuwait dahil sa "palpak, sinungaling at walang kuwenta" na impormasyong ibinigay ng mga awtoridad doon.

"I wrote to NBI to conduct our own autopsy, and I found out na 'yong autopsy report ng Kuwaiti government ay palpak, sinungaling at walang kwenta," sabi ni Bello. 

"Wala na tayong ipadadala doon. Mga walang kuwenta 'yang mga Kuwaiti na 'yan. Biro mo 'yong ginawa nila sa ating kababayan. 'Pag ikuwento ko sa inyo, baka pati [kayo] magwewelga na. Masyado nilang inapi ang ating kababayan," dagdag niya. 

Hawak na ng pulisya ang itinuturong suspek sa pagpatay sa Pinay.

Nangako ang gobyerno na gagawin nila ang lahat para makamit ang hustisya para sa pinaslang na OFW.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.