Magkapatid na trabahador patay nang pagbabarilin ng pulis sa Talisay City

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2020 06:37 PM

Matagal na umanong inirereklamo ng mga biktima ang negosyong ihawan ng pulis dahil sa perwisyo ng usok nito. Screengrab

TALISAY CITY, Cebu — Patay ang magkapatid na construction worker sa lungsod na ito matapos silang pagbabarilin ng isang aktibong pulis dahil sa umano'y alitan. 

Kinilala ang magkapatid na biktima na sina Gelby at Joel Cabrera.

Batay sa paunang impormasyon mula sa awtoridad, binato umano ni Gelby ang ihawan ng lechon na negosyo ng pulis.

Matagal na kasing inirereklamo ng mga biktima ang negosyo ng pulis dahil sa perwisyo ng usok nito.

Nagkaroon daw ng komosyon hanggang tagain ni Gelby ang pulis kaya doon na umano niya nabaril ang trabahador.

Nang marinig ni Joel ang putok ay sumugod daw ito na may dala ring baril. Sinubukan daw barilin ni Joel ang pulis pero nakaganti ang pulis.

Doon na niya napatay ang magkapatid.

Pero giit ng ina ng 2 trabahador ay walang baril ang anak niya, pero umamin na naka-inom ng alak si Gelby.

Sumuko naman ang pulis at sinabing self-defense ang nangyari.

Isinuko rin niya ang kaniyang baril na gamit sa pamamaril. 

Kakasuhan ang pulis ng reklamong double homicide.

—Ulat ni Donna Lavares, ABS CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.