ALAMIN: Epekto sa kalusugan kapag nakalanghap ng ash fall

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2020 06:50 PM

MAYNILA - Kasunod ng pag-alboroto ng Bulkang Taal, nagpaalala ang mga awtoridad na mag-ingat ang mga apektadong residente sa ash fall o pag-ulan ng abo.

Kasalukuyan kasing nakararanas ng ash fall ang ilang parte ng Batangas at mga karatig-lugar nito.

Sa abiso ng Department of Health (DOH), sinasabi nilang may mga masasamang epekto ang ash fall sa kalusugan.

Ayon sa DOH, maaaring magdulot ng pangangati ng ilong o lalamunan, ubo, bronchitis, pamumula ng mata, hirap sa paghinga, at mga problema sa balat ang pagbabad sa hanging apektado ng ash fall.

Maaari pang magkaroon ng sakuna sakaling bumigay ang mga bubong na apektado ng ash fall.

Maaari ring magkaroon ng mga aksidente sa daan bunsod ng madudulas na kalsada at malabong road visibility na dala ng ash fall.

Payo ng DOH, iwasang makalanghap ng abo. Kung maaari, anila, manatili sa loob ng bahay at isara ang mga bintana at pinto.

Payo pa nila, takpan ng basang kurtina, kumot, at damit ang mga bintana o pintuan.

Gumamit ng dust mask, goggles, o kaya eyeglasses para maprotektahan ang mukha at mata mula sa abo.

Ipasok ang mga alagang hayop sa bahay at iwasang malagyan ng abo ang bubong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.