MODUS: Lalaki tumangay umano ng P10,000 sa 'nilitong' kahera

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2019 05:46 PM | Updated as of Jan 12 2019 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ang isang lalaki na tumangay umano ng P10,000 sa kahera ng isang convenience store sa Mandaue City, Cebu noong Biyernes.
 
Sa kuha ng CCTV, nakiusap ang isang lalaking nakaputing t-shirt sa kahera ng convenience store para ipagpalit ang dalang P20,000. 

Kuwento ng cashier na tumangging magpakilala, tig-P100 ang gustong ipapalit ng kawatan.

Pero nang iabot na ng kahera ang perang naipalit na sa tig-P100, sinabi ng lalaki na tig-P20 na lang ang kaniyang gustong ipapalit. 

Dito na tumanggi ang kahera.

Ang hindi alam ng biktima ay dali-dali nang itinago ng lalaki ang tig-P100 na nauna nang ipinampalit.

Aabot sa P10,000 ang natangay ng kawatan sa kahera. 

Ayon sa kahera, posibleng modus ito ng lalaki para lituhin siya para makuha ang pera. 

Ayon kay Senior Police Officer 3 Renato Canja ng Mandaue City Police Station 1, nakita sa CCTV footage ang lalaki pero inaalam pa nila ang pagkakakilanlan nito. 

-- Ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.