Ilang dayuhan, huling lumabag sa smoking ban sa Makati

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2019 05:16 AM

Lady Vicencio, ABS-CBN News

MAYNILA - Nahuli ng mga pulis ang ilang Chinese nationals na naninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa Makati City Biyernes ng gabi.

Nakuhanan pa ng video ang lantarang paninigarilyo ng mga dayuhan sa Valero Access Road, Barangay Bel-Air kung saan may nakapaskil na "No Smoking" sign.

Nang lapitan ng mga pulis, nagtakbuhan ang mga ito pero ilan sa kanila ay nahuli. Naiwan sa lugar ang mga upos ng sigarilyo.

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Sa Barangay Poblacion kung saan maraming mga bar at restaurant, nahuli rin ang 2 Chinese national na naninigarilyo sa kalsada.

Nakiusap silang huwag bigyan ng violation ticket. Nag-abot pa ang kanilang kasamahan ng P3,000 sa isang opisyal.

Inaresto ng mga pulis ang Chinese national dahil sa paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code o corruption of public officials.

Ayon sa Makati City police, marami pa rin silang natatanggap na reklamo na mga naninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Umaabot sa 30 katao ang nahuhuli nila gabi-gabi at karamihan ay mga dayuhan.

Nasa P1,000 ang multa sa mga lumalabag ng smoking ban sa Makati City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.