Buntis, 3 iba pa patay sa aksidente sa GenSan

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2019 02:39 AM

GENERAL SANTOS CITY - Patay ang 4 katao sa salpukan ng traysikel at van sa Barangay Apopong, General Santos City Biyernes ng hapon.

Kabilang sa mga namatay ang drayber ng traysikel, isang ginang, isang buntis, at isang bata. Inaalam pa ng mga awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan.

Ayon sa imbestigasyon ni PO1 Joel Quilinderino ng Traffic Management Unit ng General Santos City Police Office, nabangga ng van ang traysikel. 

Nag-overtake umano ng isang motorsiklo ang van kaya nahagip ang kasalubong na traysikel na patungo sanang Polomolok, South Cotabato.

Kuwento ng isang saksi, sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang 5 sakay ng traysikel. Ang isang biktima ay nasa kritikal naman na kalagayan. 

Pinaghahanap ngayon ang drayber ng van na tumakas pagkatapos ng aksidente. - ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.