Briton at Pinay na live-in partner, nakuhanan ng milyon-milyong marijuana plants

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2019 02:44 AM | Updated as of Jan 12 2019 06:52 AM

ZAMBALES - (UPDATED) Nasamsam ng mga awtoridad ang milyon-milyong halaga ng mga tanim na high-grade marijuana o kush sa buy-bust operation sa Subic, Zambales Biyernes ng madaling-araw.

Nahuli rin ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Regional Drug Enforcement Unit ng Central Luzon ang isang British national at kinakasama nitong Pinay na umano'y cultivator ng marijuana.

Ayon kay Atty. Gil Pabilona, director ng PDEA-Central Luzon, ginawang indoor marijuana-growing facility ng mga suspek ang inuupuhang bahay sa Barangay Sto. Tomas. Galing pa umano ang mga binhi sa Amerika.

Ang isang kuwarto ay napapalibutan ng mga tin foil, exhaust fan, ultraviolet light, at fertilizer.

Dagdag ni Pabilona, ikinasa ang operasyon matapos mapag-alaman nila ang ilegal na gawain mula sa mga parokyano ng mga suspek.

Tinatayang nasa P12 milyon hanggang P15 milyon ang mga nakumpiskang tanim ng kush.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga suspek. Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.