2 konsumer nagreklamo sa 'palyadong' internet ng Globe

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2019 06:03 PM | Updated as of Jan 13 2019 07:20 PM

Kunsumisyon at abala sa trabaho ang idinudulot ng mabagal o pawala-walang internet connection ng Globe Telecom sa dalawang konsumer na nagreklamo sa "Tapat Na Po."

Screengrab

Dismayado si Marvin Cacho sa internet connection ng Globe dahil sa ipinangakong 10 Mbps na internet speed, wala pang 2 Mbps ang nasukat niya.

Pero kahit paulit-ulit na siyang nagreklamo sa kompanya ay di naman umano naaaksiyonan.

"Nag-start nung July talaga na wala na akong nasasagap na signal so naaapektuhan na ang activities ko... Hanggang promise lang pero wala talagang nagpupunta," hinaing ni Cacho.

Si Bernard Gajudo naman, wala ring kasawa-sawa sa pag-follow-up ng reklamo sa Globe pero wala pa rin umanong tumutugon sa kaniya.

"Walang nagpupunta... Paano nila mae-experience 'yung nae-experience ko? Dead spot talaga eh," ani Gajudo.

Sinagot ng Globe ang reklamo ng dalawa at natuklasan na dead spot pala ang kinatatayuan ng bahay ng complainants. 

"We immediately inspected the areas where they encountered issues. Unfortunately, these areas in Quezon City and Rosario, Cavite were determined to be dead spots," ayon sa Globe.

Inalok ng Globe ang dalawa na maglagay ng air boost o indoor cell site para umayos ang signal pero pansamantala lang naman daw ito dahil may aplikasyon na ang kompanya na magtayo ng 200 cell sites para mapaganda ang signal sa lugar.

Idinulog ng Tapat Na Po sa National Telecommunications Commission (NTC) ang problema ng dalawang Globe customers.

Kung hindi daw sila kuntento sa aksyon ng Globe, puwede silang maghain ng pormal na reklamo sa NTC.

"Iyung amount na sisingilin sa kanila na binabayaran nila, dapat makuha nila 'yung sinasabi mong serbisyo sa kanila," giit ni Ed Cabarios, deputy commissioner ng NTC.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po. —Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.