1 patay, 3 tiklo sa anti-drug ops sa Angeles

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2019 04:11 AM

PAMPANGA - Patay ang isang lalaki matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Pampang, Angeles City.

Kinilala ang suspek na si Min So na miyembro umano ng isang crime group na sangkot sa illegal drug trade.

Nakuha sa crime scene ang 8 sachet ng hinihinalang shabu na may street value na P408,000, isang kalibre .38 na baril, at mga basyo ng bala ng 9mm na baril.

Ayon sa pulisya, nangyari ang engkuwentro matapos ikasa ang follow-up operation sa sinasabing supplier ng ilegal na droga.

Nauna nang naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 3 suspek na nakuhanan ng P760,000 halaga ng umano'y shabu.

Doon nadiskubre ng mga awtoridad na organisado ang mga suspek. May lookout, may nakamotorsiklo, at may nakasakay rin sa isang AUV.

Sa kuha ng isang CCTV, nag-counterflow ang AUV habang nakikipagputukan sa CIDG.

"It shows na organized sila... very professional," ani Senior Insp. Arvin Hossmillo ng CIDG. - ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.