SAPUL SA CCTV: Lalaki, nanuntok ng babae; sanggol damay

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 08:23 PM | Updated as of May 01 2019 02:29 PM

Watch more in iWantTFC

Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos umanong bugbugin ang kinakasama at madamay pa ang anak na sanggol.

Sa kuha ng CCTV ng Brgy. 12 sa Caloocan City, pasado alas-5 ng umaga ng Biyernes ay makikita ang babaeng si alyas "Abbi" na tumatakbo sa kalsada bitbit ang pitong buwang gulang na anak.

Hinahabol siya ng kaniyang live-in partner na si alyas "Al" at nang abutan ay pinagsusuntok ito habang pilit ding inaagaw ang sanggol.

Aktong papatakas na ang suspek bitbit ang saggol nang abutan ng mga barangay tanod na rumesponde sa insidente.

Kuwento ni Abbi, nag-ugat ang panggugulpi nang mahuli niya si Al sa isang bar na may kasamang babae.

Pag-uwi ng kanilang bahay ay doon na aniya nagsimulang maging bayolente ang lalaki.

"Pag-uwi niya kung ano mahawakan niya ibinabato niya sa akin. Nung makita kong umiiyak na [ang baby] kinuha ko tapos tumakbo ako sa labas," ani Abbi. 

Mga pasa sa mukha ang tinamo ni Abbi habang ang sanggol ay may malaking bukol din sa ulo matapos tamaan ng mga suntok ni Al.

Pero katuwiran ng lalaki, dati na ang bukol dahil umano nalaglag ang bata sa papag.

Ayon pa kay Abbi, sinasampal-sampal din daw ni Al ang anak.

Sa kabila ng payo na makipag-ayos, desidido si Abbi na ipakulong ang kinakasama lalo na raw at nasaktan na pati ang kaniyang anak.

Kakasuhan ng child abuse at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act si Al.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.