Sanggol at 3 iba pa, patay sa banggaan ng bus at AUV

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 11:31 AM | Updated as of Jan 12 2018 02:57 PM

Patay ang isang sanggol matapos na tumagilid ang sinasakyan nitong bus na bumangga sa isang nasiraang AUV sa Puerto Princesa City, Biyernes, Enero 12, 2018. Chinee Palatino, ABS-CBN News

PALAWAN (UPDATED) – Apat na katao ang nasawi, kabilang ang isang sanggol, matapos na bumangga ang isang bus sa nakaparadang AUV, Biyernes ng umaga sa Puerto Princesa City. 

Idineklarang patay ang 4 na pawang sakay ng San Isidro bus.

Tatlong sakay ng Toyota Tamarraw FX ang kritikal naman ngayon ang kalagayan habang nasa 14 pang pasahero ng bus ang nasugatan din kabilang na ang driver nito.

"Simula pagdating, may tatlo nang na-recover, 2 dito ay black tag na o patay na," sabi ni Earl Timbancaya ng City Disaster Risk Reduction and Management Council.

Lima umano ang sakay ng AUV. Ayon sa isa sa kanila, namatayan daw ng makina ang sasakyan nila kaya pumarada sa may Barangay Sta. Cruz.

Mula sila sa bayan ng Narra at dadayo sana sa San Vicente para maki-piyesta.

Giit nila na mabilis ang patakbo ng bus.

Pinabulaanan naman ito ng sugatang konduktor ng bus. Ayon kay Rex Cabalon, nasa tama lang daw ang kanilang takbo at hindi rin sila overloaded dahil higit 20 lang ang sakay nilang pasahero.

Pero bigla umanong nagbabala ang driver nito at sinabing humawak dahil maaring mawalan ng preno nang magpalit ng gear.

Nagkaroon rin ng road blockage sa lugar dahil sa aksidente kaya natengga ang mga sasakyan sa kalsada.

Patuloy naman ang imbestigasyon hinggil sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.