Lolo, ginulpi ng sinitang lalaki sa Maynila

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 05:46 AM

Sugatan ang isang lolo matapos hatawin ng kahoy at gulpihin ng isang lalaki sa Simon St., Tondo, Maynila Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Rolando Pastrana, 60-anyos, isang retiradong overseas Filipino worker.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District Station 1, nagbabantay si Pastrana sa basketball court nang dumating ang grupo ng suspek na si Darrel Ramirez, 28-anyos.

Nagsimulang maglaro ng basketball sina Ramirez at inawat sila ng biktima dahil may batang natutulog.

Dito na kumuha ng kahoy si Ramirez at hinampas si Pastrana.

Hindi pa nakuntento ang suspek at ginulpi pa ang biktima.

Nagtamo si Pastrana ng sugat sa ulo at bugbog sa kaliwang mata. 

Pinaghahanap na ngayon ng mga otoridad si Ramirez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.