Mga residente sa Albay, pinapalipat ng tirahan dahil sa pagguho ng lupa

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2017 11:22 PM

MALILIPOT – Nanganganib ngayon sa pagguho ng lupa ang mahigit 20 pamilya sa Malilipot, Albay.

Tuwing may malakas at walang-tigil na pag-ulan sa Barangay San Roque ay unti-unting gumuguho ang lupa na malapit sa kinatitirikan ng kanilang mga bahay.

Ayon sa ilang residente, hindi na nila umano matirhan ang ibang bahay dahil malapit na itong mahulog.

“Noong bagyong ‘Nina’, gumagalaw ang lupa. Parang yumayanig,” ani Sheila Barallas.

Nagsimula umanong gumuho ang lupa noong bagyong “Reming”, na nasundan noong bagyong Nina noong nakaraang taon. Lumalim na umano ang guho, at nagkaroon na ng tubig sa ilalim nito.

“Parang anim na [puno ng] niyog na ang lalim nito,” sabi ni Barallas.

Ang ibang pamilya ay nagtitiyaga sa mga tent na pansamantalang itinayo sa compound ng barangay hall.

Hindi na muna sila pinabalik ng pamahalaan sa kanilang mga tirahan dahil sa pagguho.

Ayon sa mga residente ay nangangamba sila tuwing may malakas na ulan, kaya ang kanilang hiling ay agad silang mai-relocate. Nakikiusap rin sila sa pamahalaan na mabigyan ng financial assistance para sa pagpapatayo ng bahay sa relocation site.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.