Kasambahay, nagnakaw umano ng P100,000 halaga ng alahas sa amo

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2017 11:11 AM

MANILA - Isang pamilya sa Maynila ang pinagnakawan umano ng kanilang kasambahay ng mga alahas na nagkakahalaga ng nasa P100,000.

Iginiit naman ng suspek na si Denise Rosa, 18 anyos, na nabiktima lang din siya ng "Dugo-Dugo Gang."

Kuwento ni Rosa, Miyerkules ng tanghali nang tawagan siya ng isang abogadong nagsabing nakabangga ang amo niyang si Sarah Advincula.

Inutusan umano siyang kuhanin ang mga alahas sa kuwarto ng amo at dalihin ito sa Pasay City.

Aniya, "Itinuro sa 'kin paano pumunta... Ni minsan sa buhay ko, 'di ko nagawang magnakaw."

Hindi naman naniniwala si Advincula sa paliwanag ng kasambahay na nagsimulang manilbihan sa kanila noong Oktubre.

Nahuli aniya ng kanyang 11-taong gulang na anak si Rosa na paalis sa kanilang bahay bitbit ang bunsong anak ng kanyang mga amo.

"Buti na lang, ang panganay ko may presence of mind. Kinukuha niya kapatid niya na ayaw pang ibigay, instruction ko daw na isama ang bata," sabi ng ginang. "Tinawagan ko ang relatives ko, pumunta sila ng bahay."
 
Agad umuwi si Advincula at kanyang mister pero nadiskubre nilang nawawala na ang kanilang mga alahas, kabilang ang wedding ring nilang mag-asawa.

Bandang ala-6:00 ng gabi, bumalik anya ang kasambahay na may dala pang pasalubong at tila walang reaksiyon sa nangyari.

"Tinatawagan namin, di macontact. Sabi nagpalit daw siya ng SIM card. Ngayon lang namin nalaman na dalawa phone niya," sabi ni Advincula.

Agad ipinaaresto ng mga amo ang kasambahay na sinampahan nila ng kasong qualified theft.

Naniniwala naman ang mga pulis na bihasa na ang suspek na mamasukan at pagnakawan ang kanyang mga amo.

"Modus na nila 'yan, mamamasukan bilang katulong at gagamit ng fictitious name; 'pag nahuli, hindi sila ang gumagamit [ng pangalan]," sabi ng imbestigador na si PO2 Christian Ang.

Ipinaalala rin niya sa publiko na maging mapanuri sa pagkuha ng kasambahay at humingi ng police clearance sa mga nag-a-apply.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.