Kasal naudlot dahil sa aksidente; 1 patay

Noel Alamar, DZMM

Posted at Jan 12 2017 02:17 PM

Naudlot ang kasal ng magkasintahan sa Oriental Mindoro nitong Huwebes nang maaksidente ang jeep na sinakyan ng ilan nilang mga panauhin.

Nangyari ang aksidente sa bayan ng Pinamalayan at ikinamatay ito ng lalaking kinilalang si Carlo Cerancullo, isang graduating criminology student.

Dadalo sana si Cerancullo, kasama ang 37 iba pang sakay ng jeep, sa kasal nina Alfred Hernandez at Angelica de Mesa sa Barangay Bacawan, sa bayan ng Pola nang sila ay maaksidente sa isang matarik na lugar.

Kuwento ni Dennis Torio, drayber ng jeep, hindi kinaya ng sasakyan umahon sa kalsada, na bahagi ng ng Barangay Banilad, kaya bumaba ang mga sakay at itinulak ito paakyat. 

Nang makarating sa taas, muling sumakay ang mga pasahero, pero nang pababa na ang kalsada ay nawalan bigla ng kontrol sa manibela ang drayber.

Ito ang dahilan para magpa-ikot-ikot ang sasakyan, sumalpok sa puno at tuluyang tumagilid.

Bukod kay Cerancullo, patay rin ang mga sakay na baboy at manok na panghanda sana sa kasalan.

Kabilang naman sa mga nasugatan ang ikakasal pati ang mga abay kaya hindi natuloy ang kasal sa itinakdang araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.