Bus, nahulog sa palayan sa CamSur

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2017 10:32 AM

Photo courtesy of the Ragay Municipal Police Station

Nasa 20 pasahero ng isang pampasaherong bus ang bahagyang nasugatan nang mahulog ang sinasakyan nilang pampasaherong bus sa isang palayan sa bayan ng Ragay sa Camarines Sur.

Ayon sa pulisya, galing Maynila at patungong Irosin, Sorsogon ang Elavil Bus na minamaneho ng 55-anyos na si Arnel Sapurco nang maaksidente sa Barangay Binahan.

Umiwas umano si Sapurco sa isang kasalubong na bus kung kaya nawalan siya ng direksiyon. Nakapag-menor pa umano si Sapurco bago tuluyang nahulog ang bus sa palayan.

Hindi na nagpagamot pa sa ospital ang mga nasugatang pasahero na piniling sumakay sa isa pang bus pauwi ng Sorsogon. Pinalaya din agad si Sapurco.