Banyaga, ninakawan umano ng kainuman sa Baguio

Angelyn Valencia, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2017 10:21 PM

Ninakawan ng pitaka ang isang banyaga sa siyudad ng Baguio, matapos umano nitong makipag-inuman sa kaibigan at sa isang babaeng itinurong suspek sa krimen.

"I can't live in the Philippines without my wallet...I need to get my wallet," ani biktimang James Mac Chi, na galing sa Estados Unidos.

Aniya, tinanong siya ng kainumang babae kung may pera siya. Maya’t maya ay may naramdaman siya umanong kamay sa bulsa niya, ngunit hindi niya inakalang ninakawan siya.

"I thought my wallet cannot be stolen, but I discovered it was gone," sabi ni Chi.

Ayon kay Edward Madronio, kaibigan ni Chi, ikinagalit niya ang insidente dahil nais lang niyang makaranas ng "Filipino hospitality" ang biktima kaya't dinala niya ito sa isang bar sa Leonard Wood Road.

Itinanggi ng babae, na nakiusap na tawagin na lang na "Jenny," ang paratang ng magkaibigan.

Ayon sa suspek, may mga nauna na ring nakasamang grupo ng mga babae ang biktima, at itinuro lang siya dahil siya ang huling nakausap ng mga ito.

"Hindi naman kasi confirmed…hindi ako magnanakaw kahit wala akong pera," aniya.

Nagsampa na ng reklamong pagnanakaw ang biktima laban sa suspek.

Tumangging pumanig ang pamunuan ng bar sa kahit sinong sangkot sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.