LONDON - Sa pagpalit ng kalendaryo at pag-usad ng panahon, sandigan ng pamilya ang matibay na pananampalataya.
Ito ang mensaheng ibinahagi ng TFC News correspondents mula sa Europa at Gitnang Silangan sa kanilang handog na kantang ‘Kahit ‘di Pasko’.
Sa pagtatapos ng Kapaskuhan at pagsisimula ng panibagong taon, nananatiling buhay ang diwa ng pagkakaisa, pagmamahalan at pananalig sa Diyos sa komposisyon ng Belgium-based correspondent at independent songwriter na si Raquel ‘Rocky’ Crisostomo.
Ayon kay Crisostomo, inspirasyon niya ang mga katulad niyang overseas Fililipino sa kanyang orihinal na obra.“Dama ko yung lungkot nila na malayo sila sa pamilya, Pasko man o hindi. Kaya dapat hindi sila bibitaw, hindi aayaw,” kwento ni Crisostomo.
Lubos din ang pasasalamat ni Crisostomo sa kapwa niya news correspondents na umawit at naging bahagi ng binuo niyang music video. “Isa rin sa pinaghugutan ng kantang ito ay ang pagiging masigasig natin sa paglilingkod sa ating kapwa Pilipino sa pamamagitan ng paghahatid ng balita saan man sa mundo sa kabila ng kawalan ng prangkisa ng network natin,” saad ni Crisosotomo.
Itinampok naman ng isang US-based online media company ang ‘Kahit ‘Di Pasko’. “Fun, inspiring and truly meaningful:” paglalarawan sa website ng LA Music Review nanakabase sa Los Angeles, California.
"I’m glad a lot of people appreciate my songs. Oftentimes they would tell me they like the lyrics and melody; and that’s very inspiring for me," sambit ni Crisostomo.
Hangad din ni Rocky na kapulutan ng inspirasyon ang kanyang kanta ng mga Kapamilya saan mang panig sila ng mundo Mapapakinggan sa Spotify ang awitin at mapapanood sa Youtube ang music video ng ‘Kahit ‘Di Pasko.’
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Europa, Gitnang Silangan at Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
PANOORIN: