Nagkaroon ng mga sintomas ng trangkaso ang first-year college student na si Chriszel Marquez noong huling linggo ng Disyembre.
Ngayong gumaling na siya, may kukuhanin sana siyang requirements sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), kung saan siya nag-senior high school.
Pero hindi niya ito makuha dahil suspendido ang mga klase at transaksiyon sa unibersidad sa harap ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Marquez, parehong sitwasyon din ang nararanasan sa paaralan niya ngayon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
"Makakapagpahinga po kami nang sandali and then gagamitin ko po iyong time na iyon para mag-review po para sa finals namin," ani Marquez.
Kabilang ang PUP at PLM sa maraming higher education institution (HEI) at pribadong paaralan sa basic education na nagsuspende ng klase, distancing learning man o face-to-face classes.
Marami kasing estudyante at school personnel ang nagpositibo sa COVID-19 o may flu-like symptoms.
Dahil dito, ipinanawagan din ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pagkakaroon ng 2 linggong "health break" sa mga paaralang nasa ilalim ng Alert Level 3.
Sinabi ni ACT Secretary General Raymond Basilio na maraming guro ang may sakit kaya hirap itawid ang klase at makatao lamang na mabigyan sila ng pahinga.
Ayon naman sa Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), malaking porsiyento ng member-schools sa National Capital Region (NCR) ang nagsuspende ng klase.
Karamihan ng mga estudyante at kanilang pamilya ay may sakit, ani COCOPEA Managing Director Joseph Noel Estrada.
"Parang ang average ngayon at least one member of the family ang mayroong COVID. Whether it's the parents or the children, siyempre mag-a-isolate kayo. And then parents would have to be looking after their kids. And iyong kids, lalo na kung sila iyong affected, they cannot go to school," ani Estrada.
Nang tanungin kung magdedeklara ng malawakang "health break," sinabi ni Commission on Higher Education Chairperson Prospero de Vera na desisyon ito ng bawat HEI at hindi kailangang baguhin ang polisiyang ito.
Naniniwala naman ang COCOPEA na dapat gamitin ang panahon ng class suspension ng mga paaralan para mabakunahan ang mga estudyante at school personnel.
Nasa Alert Level 3 ang NCR at ilang karatig-probinsiya hanggang Enero 15.
Sa ilalim ng Alert Level 3, bawal ang face-to-face classes sa basic education kaya sa pamamagitan ng distance learning muna nag-aaral ang mga estudyante.
Sa mga kolehiyo at unibersidad, pinapayagan ang face-to-face classes na may hanggang 30 porsiyentong kapasidad.
— Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.