PatrolPH

Health care workers dumaing sa inigsiang quarantine period

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2022 07:39 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Isa na sa mga nakaramdam ng mga pagbabago sa trabaho ang health care worker na si Karen Faurillo, medical social worker sa Philippine General Hospital (PGH).

"Talagang draining at exhausting siya physically, mentally, kasi nga po lalo nga po itong inilabas na directive na ito ng DOH (Department of Health). Nandoon po lagi 'yung pangamba sa isip mo na ikaw ba talaga ay positive o hindi kasi tinanggal din po 'yung testing eh parang ang siste kung may symptoms ka lang test ka o pahinga ka, kung hindi otherwise pumasok ka," ani Faurillo, na pinuno rin ng ALL UP Workers Union Manila sa PGH.

Kamakailan, inilabas ng DOH ang department order na pinaiikli ang quarantine at isolation protocols ng health care workers para masigurong may sapat na frontliners sa mga ospital. 

Bagay ito na pinalagan nina Faurillo. 

"'Yung 5 days po na tinanggal sa mga high exposure talaga pong tinutuligsa po namin 'yan kasi 'yung symptoms mo maaaring ma-develop in 1 to 2 days eh so kung pumasok ka nu'n high exposed ka hindi ka tinest, pumasok ka lang, wala kang nararamdaman pero pala nagde-develop na 'yung virus sa katawan mo. So napaka-delikado po nito para sa mga health workers at mga pasyente," aniya. 

Sang-ayon dito ang ilan pang health care workers. 

"Kung carrier ka nga po ikaw mismo, ikaw 'yung magii-spread ng virus doon sa mga kasamahan mo at sa mga pasyente na nasa hospital na ang ini-aim ng mga pasyente na nasa hospital gumaling -- hindi po para makakuha pa ng additional na sakit," ayon sa nurse na si Cristy Donguines, pinuno ng Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union. 

Dahil sa kautusan, napipilitan umanong pumasok agad ang health care workers kahit hindi pa talaga sila magaling. 

"Meron na po kaming mga doktor, mga nurses at mga attendant na pumapasok kahit wala pang resulta ang kanilang swab katulad po ang isang doktor namin nag-duty siya," ani Jaymee De Guzman, nurse ng San Lazaro Hospital, at treasurer ng Filipino Nurses United. 

Pero nilinaw ng Department of Health na base sa siyensiya ang pagpapasya kaugnay ng pagpapaikli ng quarantine at isolation protocol. 

"Lahat ng pinapatupad natin ay base sa siyensya at ebidensiya. Meron na pong ibang bansa na nagpatupad ng ganito rin pong protocol. Wala pong balak ang ating gobyerno na mapunta sa at risk ang ating mga pasyente at ang ating mga health care workers. Ito po ay ginagawa base sa risk assessment ng mga ospital," ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire. 

Sinabi rin ng mga eksperto na nagbago na rin ang characteristics ng virus. 

"'Yung characteristics ng virus that allow it to be more transmissible also come with features that allow for viral clearance to happen over a shorter period of time so 'yun ang pinagmumulan nu'ng ating shortened quarantine recommendations," ani Dr. Anna Ong-Lim ng DOH Technical Advisory Group. 

Bagama't hindi umano ideal na sitwasyon, ilan lamang ito sa mga maaaring gawin ng mga ospital para masegurong may sapat na magbabantay sa COVID-19 wards. 

"Mayroon pong discretion ang hospital na siyang sumusuri ng risk, hindi nila papapasukin 'yan kung sa tingin nila na sobrang infectious talaga o makakasama. The people with shorter quarantines will be at the COVID ward kasi may COVID na rin 'yung mga patients doon na in the sense na kahit may break in protocols hindi naman mahahawa 'yung tao na may COVID. But if critical na po talaga na mas delikado na walang tao sa wards, this is the time that the hospital infection control can invoke this as a last resort," ani Dr. Edsel Salvana ng DOH Technical Advisory Group. 

Sagot naman ni Donguines: "Bakit pa nila kailangang gumawa ng ganu'n klaseng department order if it depends naman pala upon the management kung paano nila ipapatupad eh di sana nagsentro na lang sila ng isang guidelines na karapatdapat para sa mga manggagawang pangkalusugan na makatutulong para sa amin at para sa mga tao." 

Nanawagan na rin sa pamahalaan ang asosasyon ng mga medical technician sa bansa na ibigay na ang natitirang special risk allowance na ipinangakong benepisyo sa kanila lalo't marami sa kanila ang nagkakasakit. 

"Kalahati pa lang ang nabibigay, sabi po ng kanilang admin. Sana maibigay po natin ang nararapat na... Ang nararapat po para sa mga medtech at sana po ibigay natin sa oras dahil kami ay pagod na pagod na po at karapatan nama po namin na matanggap ang mga ito," ani Rommel Saceda, national president ng Philippine Association of Medical Technologists Inc. 

-- Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.