PatrolPH

Mga namimili sa Divisoria nababawasan dahil sa banta ng omicron

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2022 05:24 PM

Screenshot. 
Screenshot. 

Mas kaunti na ang namimili sa ilang lansangan sa may Divisoria, Maynila, sa harap ng agam-agam na lumabas dahil sa banta ng omicron variant sa bansa. 

Bagamat may mga namimili pa rin sa hilera ng mga tindahan sa Ilaya St. Divisoria, Maynila ngayong Martes, hindi na ito kasing dami tulad noong Disyembre.

Hindi na siksikan ang mga mamimili at maluwag na ang lakaran sa gitna ng mga tindahan.

May agam-agam mang lumabas ng bahay ang ilang mamimili pero kailangan anilang lumabas para bumili ng mga kailangan nila para sa kanilang hanapbuhay.

"Mamimili ng paninda sa bahay. Natatakot din kaya nga doble doble suot kong mask. Magdi-didisinfect na lang pagkauwi bago pumasok sa bahay," sabi ng namimiling si Olivia Asto. 

"Umiiwas ako sa maraming tao... May dala akong face mask at alcohol," sabi ng namimiling si Felicidad Cruz. 

Hindi na rin hirap at mas naipatutupad na ng mga pulis ang safety protocols tulad ng physical distancing sa lugar.

Mas madali na rin makita kung sino ang hindi nakasuot ng maayos ng face mask.

Patuloy pa rin ang pagpapaalala ng mga pulis sa mga mamimili sa pagsunod sa protocols.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.