May napupusuang brand ng bakuna? Bawal ang choosy, sabi ng Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2021 06:46 PM

MAYNILA – "Hindi naman po pupuwede na pihikan."

Iyan ang iginiit ng Malacañang sa mga Pinoy nitong Lunes nang talakayin ang plano sa pagbabakuna kontra COVID-19.

Sa isang press briefing, sinabi ni Palace spokesman Harry Roque na hindi na dapat pang maging pihikan ang mga Pinoy sa brand ng bakuna na ituturok sa kanila.

"Totoo po, meron tayo lahat karapatan para sa mabuting kalusugan, pero hindi naman po pupuwede na pihikan. Napakadaming Pilipino na dapat turukan," sabi ni Roque.

Sabi pa ng opisyal, wala namang pilitan sakaling ayaw ng isang indibidwal na magpaturok ng bakunang ibibigay sa kaniya.

"Wala pong pilian, wala po kasing pilitan... Tama lang naman po 'yan, walang pilian kasi hindi naman natin mako-control talaga kung ano'ng darating at libre po ito," aniya.

Sa ngayon, nakakuha na umano ang Pilipinas ng garantiyang suplay mula sa vaccine maker ng China na Sinovac. Meron na rin daw mula sa AstraZeneca at Serum Institute ng India.

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.