Ilang LGUs nakipagkasundo sa AstraZeneca para sa pagbili ng COVID-19 vaccine

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2021 03:13 PM

Mga vial na may COVID-19 vaccine sticker kasama ang logo ng pharmaceutical company AstraZeneca sa isang illustration. Justin Tallis, AFP

Iba't ibang local government unit ang nag-anunsiyo kamakailan na pumasok sila sa kasunduan kasama ang pharmaceutical company na AstraZeneca para makabili ng bakuna laban sa COVID-19.

Kabilang dito ang Valenzuela City, na um-order ng 640,000 doses ng bakuna.

Target naman ng lokal na pamahalaan ng Caloocan na bumili ng 600,000 doses, batay sa pinirmahan nitong kasunduan.

Sinabi rin ni Navotas Mayor Toby Tiangco na nakakuha sila ng 100,000 doses ng AstraZeneca vaccine.

Lumagda rin ang San Juan City LGU ng tripartite agreement sa kompanya at National Task Force Against COVID-19 para sa P50 milyon halaga ng bakuna.

Inanunsiyo na rin ni Pasig Mayor Vico Sotto na um-order ang kaniyang lokal na pamahalaan ng 400,000 doses.

Pero may balak din umano silang bumili sa iba pang manufacturers kung kinakailangan.

Nag-anunsiyo rin si Makati Mayor Abby Binay na nakakuha na sila ng isang milyong dose ng COVID-19 mula sa Astrazeneca.

Para ito sa mga residente, at property at business owners sa lungsod, sabi ni Binay.

Aabot naman sa 120,000 doses ang order ng Vigan City LGU sa AstraZeneca.

Maging ang Baguio city government ay pumasok na rin sa kasunduan sa kompanya sa pagbili ng bakuna para sa 190,000 indibiduwal.

Noong nakaraang linggo, nagsumite na ng aplikasyon ang AstraZeneca sa gobyerno para sa emergency use authorization ng COVID-19 vaccine nito.

Nitong Linggo, umabot na sa 487,690 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.