Governor tiniyak na mabibigyan ng libreng bakuna ang mga taga-Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2021 02:34 PM | Updated as of Jan 11 2021 06:12 PM

(UPDATE) Tiniyak ngayong Lunes ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na mabibigyan ng libreng bakuna kontra COVID-19 ang mga residente ng lalawigan.

Pero hindi nagbigay ng detalye si Mandanas kung magkano ang inilaang pondo ng provincial government para sa bakuna, maging kung saang manufacturer bibili.

Hinihintay pa umano ng provincial government ang guidelines mula sa national government.

"Ang lalawigan ng Batangas ay committed na magbigay ng vaccine sa lahat na mga taga-Batangas na gusto na magpabakuna at ito ay libre," ani Mandanas.

"Sa ngayon, wala pa sa totoo lang, wala pa ring vaccine na acceptable sa ating Food and Drug Administration, kaya napakahirap isipin kung paano makakapag-allocate," dagdag niya.

Binigyang diin din ni Mandanas na hindi pipilitin iyong mga ayaw magpabakuna, lalo't nauunawaan niya na hindi lahat ay kumbinsido sa COVID-19 vaccine.

Itinuturing namang magandang balita ng mga lokal na opisyal sa mga bayan ng Agoncillo at Lemery ang mga pahayag ng gobernador.

Ayon kay Agoncillo Mayor Daniel Reyes, wala kasi silang pondo para makakuha ng bakuna dahil naubos ito sa pagtugon sa kanilang pangangailangan matapos pumutok ang Bulkang Taal noong nakaraang taon, na sinundan ng COVID-19 pandemic.

"Kami po ay mag-depende po sa national government para sa suplay ng vaccine and also sa provincial government," sabi ni Reyes.

Nasa 42,000 indibiduwal ang populasyon ng Agoncillo kaya nasa ganoong bilang umano ang kakailanganin nilang bakuna.

Hihingi rin ng tulong sa national at provincial government ang Lemery, ayon kay Mayor Larry Alilio.

"Aasa kami kasi kung gagastusin namin ang ibang kuwan namin, wala na kaming maitutulong sa mga tao namin," ani Alilio.

Samantala, nagpahayag naman ang mga lokal na pamahalaan ng Balete at Lipa ng kahandaang bumili ng COVID-19 vaccine.

Inanunsiyo rin ngayong Lunes ni Taal Mayor Pong Mercado na lumagda ito ng kasunduan kasama ang pharmaceutical company na AstraZeneca para sa pagbili ng COVID-19 vaccine.

Nasa 40,000 doses ng AstraZeneca vaccine ang nakatakdang bilhin ng lokal na pamahalaan, base sa tripartite agreement kasama ang national government.

"Napag-isip-isipan natin ngayon dito na tayo ay bumili ng sarili nating vaccine, na para ang mga taga-Taal, kung matagal pa ang sa ating national government, eh di mayroon na tayong magagamit na bakuna na pauna dito," ani Mercado.

Bibigyan umano ng prayoridad ng lokal na pamahalaan ng Taal ang frontliners sa pagbabakuna, maging ang mga senior citizen at persons with disability.

Nilinaw rin ni Mercado na boluntaryo ang pagpapabakuna at handa rin siyang maunang magpabakuna.

Inanunsiyo rin ng lokal na pamahalaan ng Batangas City na maglalaan ito ng P200 milyon para sa COVID-19 vaccines.

AstraZeneca at Pfizer ang nais na bilhing vaccine ng lungsod para sa 380,515 residente nito.

Prayoridad na mabakunahan ang mga health worker, frontline worker sa government agencies, indigent senior citizens, remaining indigent population at uniformed personnel.

Noong nakaraang linggo, nagsumite na ng aplikasyon ang AstraZeneca sa gobyerno para sa emergency use authorization ng COVID-19 vaccine nito.

-- Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

(BOLD) RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.