4 patay sa pamamaril sa Biñan auto shop

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2021 04:43 PM

Apat na tao ang namatay sa pamamaril sa loob ng isang auto shop sa Barangay San Vicente, Biñan City. Retrato mula sa Biñan police

Apat ang patay matapos pagbabarilin umano ng mga armadong lalaki sa loob ng isang auto shop sa Biñan City, Laguna noong gabi ng Linggo.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi bilang sina James Anthony Alonalon, 40; Jason Mangahis, 43; at Carlo at Custer Tanael.

Nasa loob ng auto shop sa P. Burgos Street, Barangay San Vicente ang mga biktima bandang alas-11:45 ng gabi nang pagbabarilin umano ng tinatayang nasa 8 salarin.

Ayon kay Lt. Col. Giovanni Martinez, itinakbo sa Ospital ng Biñan ang mga biktima pero binawian din ng buhay ang mga ito.

Hinala ng mga awtoridad ay may kinalaman sa ilegal na droga ang nangyari, lalo't si Alonalon ay dati umanong lider ng drug group na nago-operate sa Biñan.

Dati nang naaresto si Alonalon ng Santa Rosa City police noong 2018 dahil sa ilegal na droga pero ibinasura ng korte ang kaso.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.