Lolo sa China patay sa 'misteryosong' pulmonya; airports sa Pinas todo-higpit

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2020 06:06 PM | Updated as of Jan 11 2020 07:21 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Isa na ang kumpirmadong patay dahil sa pneumonia outbreak ng bagong uri ng coronavirus sa Wuhan, China.

Ayon sa Wuhan Municipal Health Commission, isang 61-anyos na lalaki ang namatay doon noong Enero 9 dahil sa nasabing kakaibang pneumonia. Pito naman ang nasa kritikal na kondisyon.

Sa kabuuan, 41 ang na-diagnose ng bagong uri ng coronavirus sa Wuhan at karamihan sa kanila ay mga nagtitinda at mamimili sa seafood market.

Dahil dito, mas naghigpit pa ang scanning ng mga pasahero sa mga paliparan sa Pilipinas para maiwasan ang pagpasok ng naturang virus.

Ang Clark International Airport, naka-heightened alert na kaya nakiusap sila sa mga pasahero na habaan pa ang pasensiya sa mas mahigpit na pagmo-monitor. 

"Our apologies kung may abala... but it is for their own good naman eh, not for us. We have already been exposed. This is for them and their families," paliwanag ni Dr. Vicente Zaldivar, station chief ng Bureau of Quarantine (BOQ) sa Clark International Airport.

Wala pang inilalabas na travel advisory ang bansa para sa mga pasaherong nais magtungo sa China.

Mas pinaigting ngayon ng BOQ ang kanilang thermal screening para ma-detect ang mga pasaherong may lagnat at agad silang dalhin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa para masuri.

Ipinaliwanag ng BOQ ang gagawin sakaling dalhin sa RITM ang isang pasahero.

"Kukuhanan siya ng specimen. Aalamin ang dahilan ng kaniyang lagnat... Binigyan na ng advisory ang lahat ng Department of Health (DOH) hospitals na makipag-coordinate sa amin kung may ma-admit na pasyente na may history of travel related to this issue," paliwanag ni Dr. Ferchito Avelino, deputy director ng BOQ.

Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na walang bisa ang flu vaccine sa coronavirus at malabong makagawa ng bakuna kontra dito. 
    
Ang tanging panlaban ng publiko dito ay pag-iingat at pagpapanatili ng kalinisan. 

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.