Labi ng OFW na naaksidente sa Kuwait, naiuwi na

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2020 11:39 AM

BUTUAN CITY – Dumating na sa Butuan City Sabado ng umaga ang mga labi ng isang 37-anyos na overseas Filipino worker na nasawi sa aksidente sa Kuwait.

Ayon sa ama ni Mary Joy Tajo na si Arsenio, nalaman lamang niya ang tungkol sa pagkamatay ng OFW sa isa pang anak na nasa abroad din.

Nabangga umano ng motorsiklo si Mary Joy habang namamalengke. Isang supervisor sa isang fast food chain sa Kuwait si Mary Joy na taga Esperanza, Agusan del Sur.

Sa death certificate mula sa State of Kuwait Ministry of Health, nakasaad doon na namatay si Mary Joy Disyembre 31, 2019 matapos magtamo ng traumatic injuries at bleeding sa katawan. Nadala pa siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Sa ngayon, aalamin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Caraga kung aktibong miyembro si Mary Joy para maibigay sa kaniyang pamilya ang assistance mula sa gobyerno.

Taong 2002 nang magsimulang magtrabaho si Mary Joy sa Kuwait upang makatulong sa kaniyang pamilya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.