Clearing ops sa mga nasirang halaman noong Traslacion, patuloy pa rin

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2020 01:21 PM

MAYNILA - Puspusan na ang pagaayos ng Parks Development Office (PDO) ng Manila City Hall sa mga nasirang halaman sa pagdaan ng Traslacion noong Huwebes. 

Nagsagawa na ng clearing operations ang PDO simula pa Biyernes at itinuloy ang pagbubunot sa mga halamang nasira sa center island sa bahagi ng Padre Burgos Avenue, Sabado ng umaga.

Kumpara noong mga nagdaang prusisyon ng Itim na Nazareno, sinabi ni Antonio Gatmaitan ng PDO na kakaunti ang mga nasirang halaman ngayon. 

Dati umano ay napapadapa lahat ng mga halaman at halos wala nang natitira sa center island ng mga kalsada sa ruta ng prusisyon. 

Matapos tanggalin ang mga sirang halaman, sunod namang papalitan ang mga ito para mapaganda muli ang kalsada. 

Dagdag ni Gatmaitan na taunang problema ng PDO tuwing Traslacion ang mga nasisirang halaman na pinaghirapan nilang itanim, buhayin at palakihin sa mga kalsada.

Bagama't mas maganda raw ang Traslacion ngayon, umaasa si Gatmaitan na darating ang panahon na wala nang masisira sa kalsada tuwing idaraos ng prusisyon. 

Mahigit 3 milyon ang nakiisa a higit 16-oras na prusisyon ngayong taon na idinaos nung Huwebes, mas maikli kumpara sa mga nakaraang taon.