'4Ps' beneficiary higit 1 taon naghintay para sa bagong cash card

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2020 06:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Mahigit isang taong naantala ang ayuda ng isang pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil sa sari-saring isyu sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at isang bangko.

Kuwento ni Vilma Wayco, sinusunod naman nila lahat ng kondisyon sa pagiging 4Ps member.

Dati silang taga-Maynila pero nang mabiktima ng bagyong Ondoy ay umuwi sila ng Zamboanga del Sur at doon na rin nila kinukubra ang kanilang benepisyo.

Pero noong kalagitnaan ng 2018, bumalik ang pamilya sa Maynila at doon na natigil ang kanilang ayuda.

"Nagtaka ako hanggang umabot nang ilang buwan, hindi pa rin [namin nakukuha]. Kapag nagtatanong ako sa kanila ang sabi 'antay-antay lang po ate' kasi hindi raw madali 'yun," hinaing ni Wayco.

Pumasok na ang 2020 pero hindi pa rin naibalik ang benepisyo ng pamilya ni Wayco na P3,200 kada pay-out, na dumarating kada-2 buwan.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa DSWD ang problema ni Wayco at ipinaliwanag kung bakit naantala ang kanilang benepisyo.

Anila, Oktubre 2018 ay nataong nagbago ng cash card ang Land Bank of the Philippines para palitan ito ng may EMV chips para sa seguridad.

Ang problema, sobrang dami daw ng nagpapapalit dahil milyon ang benepisyaro ng 4Ps.

"Importante makipag-coordinate sila sa kanilang city link o sa kanilang municipal link para ma-process ang kanilang mga dokumento at hindi maantala ang kanilang cash grant," ani Joel Cam, regional program coordinator for 4Ps ng DSWD-NCR.

Sa pahayag ng Lan Bank noong Miyerkoles, sinabing natanggap na ni Wayco ang kanilang cash na natengga noong nakaraang taon.

Sa mga konsumer na nais magreklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.