10 sugatan sa salpukan ng jeep, PH Navy van sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2020 12:05 AM

MAYNILA—Sugatan ang 10 katao matapos sumalpok ang pampasaherong jeep sa kasalubong na van ng Philippine Navy sa Barangay Bangkal, Makati City Biyernes ng gabi.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Makati City police, nag-overtake ang jeep kaya sumalpok sa parating na van sa Chino Roces Ave. sa tapat ng La Fuerza Plaza.

"Nagmamadali, lumipat ngayon sa kabilang linya. Saktong parating itong van na ito, nagkabungguan sila," ani Police Chief Master Sgt. Sulpicio Monterde.

Nagtamo ng minor injuries ang 8 pasahero ng jeep habang isinugod sa military hospital ang 2 sakay ng van.

Tumakas ang drayber ng jeep na nakilala lang sa pangalang Rene Dela Cruz.

Panawagan ng presidente ng kanilang samahan ng mga driver, lumutang at harapin ang pananagutan.

"Panawagan ko kay Rene, lumutang ka na. Harapin mo ang problema dito, itong nagawa mo. Kailangan 'wag kang magtago," ani Rogelio Masalon.—Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.